
Handa si Tarlac City Mayor Susan Yap-Sulit na gumawa ng legal na paraan upang tutulan ang naging desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na siya ay i-disqualify sa puwesto.
Sa isang pahayag, nanawagan si Yap-Sulit sa mga opisyal ng COMELEC na igalang ang boses ng mga botante, kung saan magpapasa siya ng mga dokumento na magpapatunay na ang akusasyon ay gawa-gawa lamang.
Nabatid na ang naturang desisyon ng COMELEC en banc ay kabaligtaran ng naging pasya ng Second Division noong Abril 2025 na ibinasura ang kaso ng disqualification laban kay Yap-Sulit dahil hindi sapat ang ebidensya.
Pero sa bagong ruling, sinabi ng en banc na hindi niya natugunan ang one-year residency requirement sa Barangay Tibag, Tarlac City, ngunit iginiit naman ng alkalde na 2014 pa siya nakatira sa lugar kasabay ng paglilipat ng voter registration.
Sa gitna ng isyu, ilang grupo sa Tarlac at League of Municipalities – Tarlac Chapter ang nagpakita ng suporta sa hakbang ng alkalde at umaasang mareresolba ang nasabing kaso.









