Distance learning para sa mga estudyanteng walang access sa internet, isinusulong ng DepEd

Isinusulong ng Department of Education (DePed) ang distance learning para sa mga estudyanteng walang access sa internet.

Sa harap na rin ito ng planong pagpapatupad ng online learning platform sa pagbubukas ng klase sa Agosto dahil sa banta ng COVID-19.

Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, hindi naman ire-require ang mga mag-aaral at guro na pumunta sa school oras na magbukas na ang pasukan sa August 24.


Hindi naman aniya natatapos sa loob ng silid-aralan ang pagkatuto ng mga bata.

Sa ilalim ng distance learning, bibigyan ang mga estudyante ng tradisyunal na printed self-learning modules mula sa TV at radio broadcasts.

Samantala, hindi rin pipilitin ng DepEd ang mga magulang na papasukin ang kanilang mga anak sa darating na school year kung hindi pa rin palagay ang loob ng mga ito para sa kaligtasan ng mga bata.

Pero binigyang-diin ni San Antonio na mahalagang tuluy-tuloy ang pagkatuto ng mga bata kahit may emergency.

Samantala, magsasagawa ng survey ang DepEd mula June 1 hanggang June 30 para matukoy kung gaano karaming estudyante ang magpa-participate sa online learning.

Facebook Comments