Iminungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano na direktang ipamahagi sa mga local government units (LGUs) ang mga ayuda o cash aid ng pamahalaan at huwag na itong padaanin pa sa mga ahensya ng gobyerno.
Ginawa ng senador ang apela sa gitna ng deliberasyon ng ₱5.268 trillion na 2023 national budget kung saan mayroong mahigit ₱200 billion na halaga ng pantulong para sa mga mahihirap.
Paliwanag ni Cayetano, kung hindi na idadaan sa mga ahensya ang cash assistance ng gobyerno ay malaki ang matitipid sa administrative cost at operating expenses para sa distribution at ang halaga para dito ay maaari pang magamit na pantulong sa iba.
Bagama’t sinang-ayunan ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang mungkahi ni Cayetano, sinabi naman nito na matatag na ang sistema ng gobyerno sa mga ayuda.
Ipinaliwanag pa ni Angara na hindi rin ganoon kadali na baguhin ang sistema dahil magkakaiba ang intensyon at target ng ayuda ng bawat social protection program ng pamahalaan.