Distribusyon ng SAP 2 sa NCR, sinimulan na

Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng ikalawang tranche ng cash subsidies sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, ang ikalawang round ng SAP payout ay umarangkada na sa apat na siyudad sa Metro Manila.

Partikular aniya sa Quezon City, Makati, Caloocan at Pasig City.


Sinabi rin ni Paje na makakatanggap din ng SAP 2 ang mga “waitlisted” beneficiaries sa mga rehiyon ng Cordillera, Ilocos, Central Luzon, CALABARZON, Bicol, at Central Visayas.

Sa ngayon, aabot na sa ₱7 billion na halaga ng SAP subsidies ang naipamahagi sa 1.38 million families.

Nabatid na lumagda ang DSWD ng Memorandum of Agreement (MOA) sa Land Bank of the Philippines at anim na financial service providers na tinukoy ng Bangko Sentral ng Pilipinas para sa digital payment ng SAP 2.

Facebook Comments