Naka-depende sa mga Local Government Unit (LGU) ang magiging distribusyon ng tulong pinansiyal sa ikalawang bahagi ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Joseline Niwane, kinakailangan muna kasi na i-validate ang listahan ng mga benepisyaryo na nakatanggap sa first tranche ng SAP.
Aniya, ito ay upang masigurong hindi na mauulit ang nangyaring pagkaka-doble o pagtanggap ng mga hindi kwalipikadong indibidwal.
Sa ngayon, nasa 1,250 mula sa 1,634 LGUs na ang natapos sa pamamahagi ng ayuda habang 550 naman ang nakumpleto na ang kanilang liquidation.
Samantala, ayon sa DSWD, hinihintay na lamang nila ang memorandum na ilalabas ng Malacañang kaugnay sa proseso ng pamamahagi ng ikalawang yugto ng nasabing programa.