District Engineer ng Baguio City, sinuspinde sa pagsira at ‘pagdoktor’ ng mga dokumento

Sinuspinde ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang District Engineer ng Baguio City na si Rene Zarate dahil sa umano’y pagsisira at pagbabago ng mga dokumento kaugnay ng mga proyekto ng DPWH sa lungsod.

Kasunod ito ng ulat na hindi sumunod si Zarate sa kautusan ng kalihim na makipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga flood control at iba pang infrastructure projects.

Batay sa inilabas na memorandum ni Secretary Dizon, lahat ng opisina ng DPWH mula Central, Regional, at District Engineering Offices ay inatasang magsumite ng mga kinakailangang dokumento, impormasyon, at testimonya upang suportahan ang imbestigasyon ng ICI.

Binigyang-diin ng kalihim na ang sinumang opisyal o kawani na hindi susunod ay maaaring maharap sa administratibo o kriminal na parusa.

Ayon sa kalihim, layon din ng preventive suspension na hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon at upang mapangalagaan ang integridad ng mga ebidensiya.

Facebook Comments