Umabot na sa P8.4 billion ang lugi ng DITO, ang third telco player ng bansa na kontrolado ni Davao-based business tycoon Dennis Uy, magmula noong 2020.
Ito ay ayon sa pro forma statement ng Dito na inihanda ng P&A Grant Thornton.
Nakasaad sa statement na ang telco firm ay may net loss na P4.656 billion noong 2020 at P3.769 billion sa unang anim na buwan ng 2021, para sa kabuuang P8.4 billion.
Ang Dito ay nagsimulang mag-operate noong nakaraang Marso at kumita ng P248 million sa unang anim na buwan ng 2021. Gayunman, gumastos na ang kompanya ng P4.14 billion.
Bilang bahagi ng layunin nitong maabot ang limang milyong subscribers at service sites sa buong bansa sa pagtatapos ng 2021, ang kompanya ay naglabas ng P52 billion para sa capital investments. Kinabibilangan ito ng P35.468 billion noong 2020 at P16.234 billion sa unang anim na buwan ng 2021.
Hanggang noong Hunyo 2021, ang Dito ay nakapagkaloob na ng mobile 4G services sa 149 lungsod at bayan na may 1.64 million subscribers.
Ang pro forma statement sa prospectus ng DITO ay isinagawa upang ilarawan ang epekto ng pagbuhos ng assets ng kompanya sa DITO CME sa financial position ng grupo hanggang Hunyo 30, 2021.
Gayunman, sinabi ng P&A na ang pro forma report ay “not necessarily indicative of the results of its operations.”
Ang Udenna Communications, Media and Entertainment Holdings Corp. (UCME) ni Uy, na kumokontrol sa Dito Telecommunity, ay magte-take over sa 80 percent ng kompanya sa pamamagitan ng P68.43 billion share swap na inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC) nito lamang Setyembre.
Ang DITO ay magkakaroon ng 54 percent stake sa Dito Telecommunity kung saan ang nalalabing stake ay pag-aari ng China Telecom (40 percent) at ng Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings ni Uy (6 percent).
Ang Dito Telecommunity ay nagbayad ng P27.5 billion bond nang manalo ito sa bidding para sa third telco franchise noong 2018 makaraang
i-diskuwalipika ng National Telecommunications Commission ang lahat ng kalaban nito.