Divorce Bill, hindi dapat iugnay sa relihiyon

Iginiit ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa mga nasa public service, lalo na sa kanyang mga kapwa mambabatas, na hindi dapat relihiyon ang maging basehan sa pagboto pabor o hindi sa panukalang diborsyo.

Paliwanag ni Chua, sa pamamahala sa bansa ay mainam na bigyang bigat na mabigyan ang mamamayan ng pagkakataon na magdesisyon para sa kanilang karapatan na maging masaya.

Ipinunto pa ni Chua na ang ating lipunan ay binubuo ng iba’t ibang pananampalataya at kultura habang marami rin ang hindi kabilang sa Katoliko, Christians at iba pang relihiyon.


Dagdag pa ni Chua, dapat ding ikonsidera ang daan-daang ikinasal sa pamamagitan ng civil rites at hindi na sumailalim sa church weddings.

Ayon kay Chua, higit sa lahat na dapat isaalang-alang para sa diborsyo ay ang mga may-asawa at kanilang mga anak na nakakulong o tila hostage sa kasal o pagsasama na hindi na maaayos pa at nagdudulot na sa kanila ng pagdurusa at seryosong pinsala.

Ikinatwiran din ni Chua na masyadong matagal ang proseso para sa legal separation at annulment kaya natatagalan din na makamit ng mga may-asawa at mga anak ang kalayaan mula sa isang relasyon na pinagbubuklod ng kasal pero balot ng karahasan.

Facebook Comments