Divorce bill, inihain sa Senado

Manila, Philippines – Inihain ni Committee on Women, Children and Family Relations Chairperson Senator Risa Hontiveros ang Senate Bill no. 2134 o ang panukalang diborsyo.

Ipinaliwanag sa panukala na ang kawalan ng diborsyo sa Pilipinas ay nagdudulot ng pagdurusa sa mga inaabusong asawa na karamihan ay mga kababaihan.

Tinukoy din sa panukala na base sa mga pag-aaral, hindi maganda ang epekto sa mga anak ng nasasaksikhan nilang problema o hindi maayos na pagsasama ng kanilang mga magulang.


Kabilang sa mga inilatag na kondisyon para sa diborsyo ay ang psychological incapacity, pananakit sa asawa o mga anak, marital rape, irreconcilable differences o hindi na maaayos na problema ng mag-asawa o pagiging hiwalay sa loob ng limang taon.

Samantala, multang 200,000 pesos at pagkakulong na hanggang limang taon ang kakaharapin ng sinuman na matutuklasang nagsinungaling, nanloko at namwersa sa kanyang asawa na naghain ng petition for absolute divorce.

Makukulong naman ng mula anim hanggang 12 taon at multang mula 100,000 hanggang 300,000 pesos, ang sinuman na mabibigong tumupad sa inatas ng korte na halaga ng alimony o sustento sa kanyang anak at hiniwalayang asawa.

Facebook Comments