DIWA NG EDSA PEOPLE POWER, SINARIWA NG ILANG DAGUPEÑO; PAGKILOS AT PANANAGUTAN, PANAWAGAN NILA SA GOBYERNO

Apatnapung taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang EDSA People Power Revolution. Isa ito sa mga makasaysayang sandali na nagpakita ng pagkakaisa ng masang Pilipino. Matapos ang apatnapung taong, ano na nga ba ang kahulugan at diwa ng EDSA para sa mga Pinoy?

Sa Dagupan City, naabutan namin si Nanay Elvira na katatapos lamang mamalengke. Aniya, ang EDSA ay simbolo ng pagkakaisa para ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino at kasabay ng pag-alala sa anibersaryo nito ang panawagan niya sa gobyerno.

Ganito rin ang mensahe ni Mang Zaldy, isang tindero ng kendi at sigarilyo, na umaasang gaya ng nangyari noong EDSA 1986 ay mapakinggan sana ang hinaing ng taumbayan, lalo na ng mahihirap.

Para naman kay Den, isang college student, mahalagang magawang muli ng henerasyong ito ang magkaisa para panagutin ang mga may pagkakasala sa pamahalaan, tulad na lamang ng mga sangkot sa korapsyon at sa maanomalyang flood control projects.

Dagdag niya, isa pang paraan upang maipakita ang pagkakaisa ng mga Pilipino ay sa pamamagitan na matalinong pagboto sa mga paparating na halalan.

Hanggang sa ngayon, buhay pa rin ang diwa ng EDSA, hindi man araw-araw sa kalsada ngunit nakikita sa sama-samang pagkamulat at pagboses ng mga Pilipino para sa tama. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments