
Iginiit ni House Speaker Faustino Dy III na ang diwa ng Pasko ay dapat magsilbing gabay sa bawat pasya at gawain ng mga lingkod-bayan, kabilang ang mga mambabatas.
Sa kanyang Christmas message, binigyang-diin ni Dy na ang paglilingkod sa bayan ay isang pagpapakita ng pagmamahal at hindi nasusukat sa posisyon, titulo, o kapangyarihan.
Dagdag niya, ang diwa ng Pasko ay paalala na ang pagmamahal, malasakit, at pananagutan ay dapat gumabay sa lahat ng desisyon, lalo na sa serbisyo-publiko.
Ayon pa kay Dy, sa kabila ng pagod, ingay, at mga hamon ng politika, patuloy na ipinapaalala ng Pasko na may saysay ang bawat tamang desisyon, matapang na paninindigan, at tahimik na sakripisyong iniaalay para sa bayan.
Nanawagan ang House Speaker na isapuso ang diwa ng Pasko bilang simbolo ng pag-asa at malalim na kagalakan—hindi lamang sa mga tahanan, kundi sa bawat araw ng paglilingkod sa sambayanang Pilipino.









