DMW at DFA, pinamamadali sa pag-aksyon para sa mga OFWs na nawalan ng trabaho sa New Zealand

Kinalampag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na bilisan ang pagtugon sa sitwasyon ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nawalan ng trabaho sa New Zealand.

Aabot sa 700 na mga manggagawa ang nawalan ng trabaho sa New Zealand bago mag Pasko kasunod ng biglaang pagsasara ng isang construction and manufacturing company.

Giit ni Villanueva, hindi dapat hayaan ng gobyerno na mangyari ang tulad sa sinapit ng ating mga OFW sa Saudi Arabia kung saan higit 100,000 mga manggagawa ang naalis sa trabaho at hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggap ng ilan ang kanilang back wages at mga benepisyo.


Dahil dito, pinatitiyak ng senador na makukuha sa oras ng mga OFW sa New Zealand ang kanilang back pay at mga makukuhang benepisyo.

Sinabi pa ni Villanueva, na ang kawalan ng trabaho sa isang dayuhang bansa ay bangungot para sa ating mga kababayan dahil ang kawalan ng hanapbuhay ay kawalan din ng sahod na maisusustento sa pamilya at kung walang sweldo ay papano rin sila makakatawid sa kanilang buhay sa abroad.

Facebook Comments