Pumasok na sa isang kasunduan ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng paglagda sa ng Memorandum of Agreement (MOA).
Ito’y para tulungan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na magbabalik sa bansa para magkaroon ng negosyo at masinop ang kanilang mga kinita sa trabaho sa abroad.
Kasabay ng 28th National Migrant Workers’ Day, inanunsyo ni DMW Secretary Susan Ople na pagkalooban nila ng business trainings at tururuan nila ng Financial Literacy ang mga OFW.
Sa ganitong paraan, hindi masasayang ang kanilang mga napundar at magagamit ito sa tamang paraan.
Paliwanag ni Ople, malaki ang kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang dollar remittances kaya naman nais nila itong suklian sa pamamagitan ng paggabay sa kanila sa pamumuhunan.
Sinabi naman ni DTI Sec. Alfredo Pascual na kwalipikado rin sa kanilang ibibigay na programa ang mga kaanak ng OFW na interesadong magnegosyo at matuto.
Gagamitin umano nila ang lahat ng kanilang resources para makatulong sa OFW kasama na ang pagturo sa kanila business registration process.
Gayundin sa pag-refer sa kanila sa mga malalaking kumpanya at ahensya para magkaroon sila ng market access.
Kabilang sa unang batch na target na makinabang sa programa ang mga OFW na galing Sudan na nakabalik sa bansa noong nakalipas na buwan.