Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa Transition Committee na magtatag sa Department of Migrant Workers (DMW) na gawing mabilis ngunit maayos ang mga susunod na hakbang para gawing fully constituted ang bagong ahensya.
Panawagan ito ni Villanueva makaraang maglabas ng kautusan ang DMW na bawiin ang deployment ban ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Saudi Arabia, na taliwas sa kasalukuyang utos ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Giit ni Villanueva, dapat ay hindi muna maglabas ng mga kautusan o direktiba ang DMW tungkol sa mga deployment ban habang hindi pa ito lubos na naitatayo.
Babala ni Villanueva, maaaring gamitin ng mga illegal recruiter at fixer ang mga nakakalitong direktiba lalo na tungkol sa mga deployment ban para manloko ng mga OFW.
Paliwanag ni Villanueva, makakasagabal sa kabuhayan ng ating mga migrant workers ang anumang kaguluhan, kalituhan o pagkaantala sa transition period o panahon ng pagtatatag ng DMW.