Isinusulong ni Senator Raffy Tulfo na panahon na para mabigyan ng ‘confidential fund’ ang Department of Migrant Workers (DMW).
Ginawa ni Tulfo ang mungkahi sa gitna na rin ng pagdinig ng Senado sa 2024 budget ng DMW na aabot sa P15.309 billion.
Giit ng senador, kung sa ibang ahensya na may napakalaking confidential funds ay hindi siya umiimik, siguro naman ay panahon na aniya para bigyan ng alokasyon sa confidential funds ang DMW para masawata ang mga illegal recruiters at scammers na patuloy na bumibiktima sa mga OFWs.
Punto ni Tulfo, hindi dahil siya ang Chairman ng komite sa Senado para sa mga migrant workers kaya niya itinutulak na mabigyan ng confidential fund ang DMW kundi dahil nakikita niya ang pangangailang sa intelligence information para matugis ang mga nambibiktima sa mga overseas workers.
Pero kung si Senate Minority Leader Koko Pimentel ang tatanungin, inirekomenda niyang lakihan na lang muna ang budget ng Migrant Workers Protection Bureau na siyang nagsu-surveillance at nag-iimbestiga sa mga recruiters na nagpapadala ng OFWs na walang lisensya.
Dagdag naman dito ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, hindi naman siya tutol sa suhestyong bigyan ng confidential funds ang DMW pero kailangan munang mapatunayan na hindi nagagawa ng naturang bureau ang kanilang tungkulin sa paghahabol ng mga illegal recruiters.