Ipapatupad na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ‘deployment ban’ para sa mga first-time o mga bagong hire na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait.
Bago matapos ang pagdinig ng Senado, muling tinanong ni Senator Raffy Tulfo ang DMW kung sang-ayon ba ang ahensya na itigil na muna ang deployment ng mga Filipino domestic worker sa nasabing bansa.
Tugon dito ni DMW Usec. Maria Anthonette Velasco-Allones, sususpendihin na ang deployment ng mga first-time o mga bagong hire na OFWs na papuntang Kuwait.
Dagdag pa ni Velasco-Allones, iaalok naman sa mga new-hire na OFWs sa Kuwait ang alternative destinations na Singapore at Hong Kong na may mas maayos na protection mechanism sa mga household services workers.
Pahabol pa ni Velasco-Allones na ito ang polisiyang iniwan sa kanila ni DMW Sec. Susan ‘Toots’ Ople na ngayon ay kasama ni Pangulong Bongbong Marcos sa Japan para sa official working visit doon.
Nilinaw naman sa pagdinig na hindi apektado ng ‘deployment ban’ ang mga dating worker na sa Kuwait na nagre-renew lang ng kanilang kontrata at pabalik sa nasabing bansa.
Sa gitna rin ng pagdinig ay naglabas ng statement si Ople kung saan inihayag nito na deferred o ipinagpapaliban muna ang aplikasyon ng mga first-time migrant worker sa Kuwait partikular ang household services workers hanggang sa makapaglatag na ng mga reporma mula sa resulta ng gagawing bilateral talks ng dalawang bansa.