DMW, kinalampag ng mga senador patungkol sa OFW hotline na ‘automated message’ lang ang sumasagot

Kinalampag ng mga senador ang Department of Migrant Workers (DMW) patungkol sa kanilang hotline para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW).

Sa naging talakayan kasi sa plenaryo, sinabi ni Senator Raffy Tulfo na sinubukan niyang tawagan ang hotline 1348 ng ahensya para sa mga OFW pero automated message lang ang sumagot sa senador.

Iginiit dito ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na dapat ay pagbutihin ng DMW ang linya ng komunikasyon para sa mga OFWs na hihingi ng tulong at tiyakin na palaging may nakatao sa linya na personal na sasagot sa mga hinaing at sumbong ng mga OFWs.


Samantala, hiniling naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magkaroon ang bansa ng tiyak na polisiya patungkol sa OFW deployment ban at maglagay ng partikular na kwalipikasyon kung kailan ito dapat na ipatupad at kung kailan rin ito dapat na alisin.

Giit ni Villanueva, hindi maaaring pabago-bago ang Pilipinas sa ganitong polisiya lalo na at nakasalalay ang kapakanan ng mga OFW.

Pinare-review rin ng senador kung nasunod ba ang Memorandum of Understanding (MOU) na pinirmahan ng Pilipinas at Kuwait patungkol sa proteksyon ng mga OFW upang malaman kung naging epektibo ba ang kasunduan para mapabuti ang kaligtasan at proteksyon ng mga kababayan doon na household workers.

Facebook Comments