Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na umabot sa 11 ang naitalang Pilipinong manggagawa ang apektado sa sunog na sumiklab nitong Miyerkules sa isang gusali tinitirhan ng mga foreign workers sa Mangaf, Kuwait.
Batay sa ulat na ipinaabot kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, tatlo mula sa 11 apektado ang nasa ligtas ng kalagayan habang tatlo rin ang nasa hospital kung saan dalawa rito ay nasa ilalim ng intensive care.
Kaugnay nito ay hinihintay pa ang kumpirmasyon hinggil sa kalagayan ng lima pang Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa mga awtoridad ng ospital.
Ipinag-utos naman ni Secretary Cacdac sa MWO-Kuwait na makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng ospital hanggang sa ganap nilang matiyak ang katayuan ng limang hindi na-account na OFWs.
Inatasan din niya ang MWO-Kuwait at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Office sa Kuwait na tingnan ang agarang pangangailangan ng naunang natukoy na anim na OFW.