DMW, kumpiyansang maaabot ang target na mapauwi ang mga Pilipinong nailikas mula sa Sudan ngayong buwan

Tiwala ang Department of Migrant Workers (DMW) na makakamit ng pamahalaan ang target nitong mapauwi ngayong buwan ang mga Pilipinong naipit sa gulo sa Sudan.

Ito ang inihayag ni Migrant Workers Usec. Hans Leo Cacdac na kasalukuyang nasa Cairo, Egypt sa isinagawang virtual press briefing kahapon.

Ayon kay Cacdac, batay sa impormasyon mula sa Embahada, may 146 na OFW na nagparehistro para sa repatriation subalit hindi lumutang kaya’t tinutunton na ito para kumbinsihing umuwi ng Pilipinas.


Sa datos naman ng DMW, may 205 na mga Pilipino na silang ninilikas mula sa Sudan patungong Egypt na naka-uwi na ng Pilipinas bukod pa ang mga Pilipinong piniling tumawid sa Port Sudan patungong Jeddah sa Saudi Arabia.

Gayunman, aminado si Cacdac na may ilan pa ring mga Pilipino ang nagnanais lumipat na lamang sa ibang bansa sa takot na mawalan ng trabaho.

Subalit hinihikayat ng pamahalaan ang mga ito na umuwi na muna sa bansa at dito iproseso ang kanilang mga dokumento patungo naman sa bansang nais nilang lipatan.

Facebook Comments