Inutusan ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang Department of Migrant Workers (DMW) na magbigay ng tulong at suporta sa mga manggagawang Pilipino na naapektuhan ng 6.6 magnitude na lindol na tumama sa Taiwan noong Linggo.
Nais ng kalihim na tiyakin sa mahigit 147,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan at sa kanilang mga pamilya na ang DMW ay handa na magbigay ng kinakailangang tulong, partikular sa mga naapektuhan ng lindol.
Si Ople ay nasa Estados Unidos bilang bahagi ng opisyal na delegasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa pinakabagong update na natanggap ng kagawaran, wala namang Pinoy ang nasawi sa lindol.
Gayundin, walang naiulat na pinsala sa mga OFW worksite o dormitoryo, bagama’t patuloy ang pagyanig at aftershocks.
Hinihimok ng kalihim ang mga OFW na sundin ang mga tagubilin ng Taiwan Manpower Agencies at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno at manatiling konektado sa gobyerno ng Pilipinas at mga kinatawan ng Filipino Community.
Ang mga OFW na nangangailangan ng tulong at impormasyon ay maaaring makipag-ugnayan sa mga hotline numbers, official Facebook page, Messenger, Manila Economic Cultural Office (MECO) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Taipei, Taichung at Kaohsiung sa Taiwan.