DMW, nagbabala laban sa nagsulputang online illegal recruiter patungong Myanmar

Ikinabahala ng Department of Migrant Workers o DMW ang mga naglipanang illegal recruiter na nag-aalok ng trabaho online patungong Myanmar.

Ito’y ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Toots Ople matapos dumulog sa kaniya ang 10 biktimang nasagip mula sa isang Chinese call center na naka-base sa liblib na lugar ng Myanmar at malapit sa hangganan ng Thailand.

Ayon kay Secretary Ople, modus ng naturang online illegal recruiter na mag-alok ng trabaho bilang customer service relations o di kaya’t technical support sa isang POGO run establishment na nang-aabuso ng mga manggagawa.


Paliwanag pa ng kalihim na ang naturang grupo ay bahagi ng 12 nasagip na biktima mula sa kanilang Chinese handler sa pamamagitan na rin ng ugnayan sa tanggapan ni Sen. Riza Hontiveros at ng Department of Foreign Affairs o DFA

Dagdag pa ni Ople na sumbong ng mga biktima, pinangakuan sila ng 40 libong pisong sweldo kada buwan sa loob ng kalahating taon para sa nasabing alok subalit sa huli ay tinangka umano silang bugawin sa pamamagitan ng dating app.

Facebook Comments