
Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) laban sa recruitment scheme na nag-aalok ng trabaho sa Japan sa ilalim ng Technical Intern Training Program (TITP).
Ayon sa DMW, ang nasabing scheme ay iniuugnay sa isang Filipina na nasa Japan na walang lisensya sa kanilang tanggapan para mag-recruit o mag-deploy ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Ginagamit din anila ng grupo ang mga personal na ahente at social media upang manghikayat ng mga aplikante at mangolekta ng placement o processing fees kapalit ng mga pekeng dokumento tulad ng Certificate of Eligibility (COE), kontrata, visa, at Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) certificate.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit 200 ang mga biktimang nagsampa ng reklamo sa kanilang DMW , gayundin sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), at sa National Bureau of Investigation (NBI).
Iginiit ng DMW na mahigpit na ipinagbabawal ang paniningil ng placement fee sa mga aplikante ng TITP, at labag sa batas ang anumang paniningil kaugnay ng nasabing programa.
Hinihimok din ng DMW ang mga biktima ng nasabing recruitment scheme na agad magtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng kanilang ahensya para sa ligal na tulong.










