Nakakita na ng pag-asa ang Department of Migrant Workers (DMW) sa paglilikas sa mga Pilipino sa Gaza Strip.
Ito ay matapos pumayag ang Israel na mabuksan ang border para sa pagpasok ng mga pagkain, mga gamot at iba pang mga pangangailangan ng mga sibilyan sa Gaza.
Gayunman, nilinaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-in-Charge (OIC) Hans Leo Cacdac na hindi agad-agad na maiuuwi ang Pinoy repatriates kahit na makatawid na sila ng Egypt.
Kailangan muna aniya kasing iproseso ang mga ito sa Cairo bago makauwi ng Pilipinas.
Samantala, pasado alas tres ngayong hapon dumating ang ikatlong batch ng Filipino repatriates.
Sila ay binubuo ng 3 lalaki, isang sanggol na babae at 21 na mga babaeng Overseas Filipino Workers (OFWs).
Karamihan sa kanila ay caregivers sa Israel at pare-pareho ang kanilang mga desisyon na huwag nang bumalik sa Israel dahil sa trauma na kanilang inabot sa giyera sa pagitan ng Israel at Hamas militant group ng Palestine.