Puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng Department of Migrant Workers o DMW sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para magpaabot ng tulong sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol sa Türkiye at Syria.
Ito ang pagtitiyak ni Migrant Workers Sec. Susan “Toots” Ople makaraang atasan nito si Usec. Hans Leo Cacdac para sa mabilis na pagresponde sa mga PIlipinong nangangailangan ng tulong.
Kasunod nito, inanusyo rin ni Ople na kanila nang pinagana ang DMW Hotline 1348 na magsisilbing handling center para sa pamilya ng mga OFW na mayruong kamag-anak sa mga bansang apektado ng pagyanig.
Bukas aniya 24 oras araw-araw ang nasabing hotline para sa agarang pagresponde upang mapawi ang pangamba ng pamilya ng mga OFW.
Dagdag pa ng kalihim, magpapadala rin sila ng mga kinatawan sa Türkiye para alamin at tutukan ang sitwasyon ng mga kababayan duon.
Batay sa datos ng DMW, tinatayang nasa 193 ang bilang ng mga OFW sa Turkiye kung saan, 113 rito ay nasa Hatay, 51 sa Adana habang nasa 29 naman sa Gaziantep.