Pinag-aaralan ng Department of Migrant Workers (DMW) na magpatupad ng ‘targeted deployment ban’ para sa mga bagong hire na OFWs sa Kuwait.
Sa pagdinig ng Committee on Migrant Workers, sinabi ni Senator Raffy Tulfo na Chairman ng komite na masama ang kanyang loob kay DMW Sec. Susan “Toots” Ople dahil habang hinihintay ang pagdating ng mga labi ng Pinay OFW na si Jullebee Ranara, ay kinontra ng kalihim ang kanyang suhestyon na magpatupad na ng OFW deployment ban sa Kuwait.
Pero paglilinaw ni DMW Usec. Maria Anthonette Velasco-Allones, hindi kumokontra si Sec. Ople sa panukalang deployment ban ng senador.
Katunayan aniya ay bukas at pinag-aaralan na ng kalihim ang pagpapatupad ng ‘targeted ban’ para sa mga bagong hire na OFWs dahil napansin ng ahensya na ang bulto ng mga problema ng pananakit at pagmamalupit ng mga employers ay nangyayari sa mga bagong hire na OFWs.
Aniya, sa mga dati o balik manggagawa sa Kuwait ay walang problema dahil kabisado na nila ang kanilang mga employers, ang kultura at mga patakaran sa nasabing bansa.
Naunang sinabi ni Velasco-Allones sa pagdinig na kahapon lang ay may fact-finding team ang ahensya ang umalis patungong Kuwait para mangalap ng mga datos at impormasyon upang makapagbigay ng klarong sitwasyon sa ground tungkol sa mga tunay na nangyayari sa mga OFWs sa nasabing bansa.