
Opisyal nang binuksan sa publiko lalo na para sa Overseas Filipino Workers (OFW) at sa kanilang pamilya ang Susan V. Ople Labor Migration and Development Resource Center sa tanggapan ng Department of Migrant Workers (DMW) sa lungsod ng Makati.
Ang learning hub na ito ay ipinangalan sa dating kalihim ng DMW na si Susan Toots Ople na nagsilbing unang kalihim ng DMW sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. hanggang sa ito at yumao noong 2023.
Ang center ay magsisilbing learning hub para sa mga nais magsaliksik ng mga mahahalagang impormasyong may kaugnayan sa labor migration.
Matatagpuan din dito ang isang malawak na archive kabilang na ang dating Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Library na may koleksyon ng iba’t ibang memorabilya ng kasaysayan ng Philippine labor migration at online database na naglalaman ng journal sa sosyolohiya.
Bukas ang nasabing resource center tuwing Lunes hanggang Biyernes mula alas-8 hanggang alas-5 ng hapon.