DMW Sec. Cacdac, pinauwi ni PBBM mula sa Laos para sa planong pag-evacuate ng mga Pinoy sa Lebanon

Kahit nasa kalagitnaan ng The Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Laos, pinabalik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac sa Pilipinas para planuhin ang evacuation ng mga Pilipino sa Lebanon.

Ito’y dahil sa lumalalang tensyon sa lugar at sunud-sunod na pag-atake laban sa mga target ng Hezbollah sa mga nakalipas na araw, at ang kaukulang ganti ng Iran laban sa Israel.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) acting Secretary Cesar Chavez, iniutos ng pangulo na paghandaan ang pagpapauwi sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Lebanon habang may pagkakataon pa at pag-aralan kung paano mailabas ang mga ito sa pamamagitan ng eroplano o barko.


Nakikipag-usap na rin aniya ang DMW sa ilang ship owners para sa posibleng pagpapatupad ng repatriation kung saan planong dalhin ang mga Pinoy sa Cyprus at doon na uuwi sa Pilipinas.

Inatasan din ng pangulo ang Deparment of Foreign Affairs (DFA) na magkaroon ng malakas na representasyon sa gobyerno ng Lebanon para mapabilis ang pag-isyu sa exit clearances ng mga OFW.

Ngayong alas-2:00 nang hapon ay nakatakdang humarap sa media si Cacdac para idetalye ang kautusan ni Pangulong Marcos kaugnay sa repatriation ng Pinoy sa Lebanon.

Facebook Comments