Bumiyahe na papuntang Cairo, Egypt si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople.
Kasama ng kalihim si DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac kung saan tututukan nila ang paglilikas sa mga Pilipinong naiipit sa nangyayaring gulo sa Khartoum, Sudan.
Bago lumipad papuntang Cairo, nakipagpulong muna si Ople kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dito ay binilinan umano siya ng pangulo na tiyaking maililigtas ang lahat ng mga Pilipino kahit pa ang mga walang kumpletong dokumento.
Inatasan din siya na makipag-ugnayan sa United Nation at sa International Organization for Migration para sa mabilisang paglilikas sa mga Pilipino.
Tiniyak naman ng ahensya na makatatanggap ng tulong pinansyal ang mga Pilipinong maililikas mula sa Sudan.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Ople na tig-200 dolyar o higit P10,000 ang agarang tulong na maibibigay sa mga Pinoy.