
Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Usec. Bernard Olalia na tatlo sa mga Pinoy na sakay ng MV Eternity C na inatake ng Houthi Rebels sa Yemen ang namatay.
Ayon kay Olalia, nakausap na rin nila ang pamilya ng tatlong nasawing Pinoy seafarers.
Sinabi ni Olalia na kanila ring bineneripika ang ulat na posibleng na-rescue ang 14 pang Pinoy crew ng MV Eternity C.
Ito ay dahil sa may mga crew aniya na tumalon bago pa man tuluyang lumubog ang nasabing barko.
Pinaniniwalaan aniya na na-rescue ng mga dumadaan na barko ang ilang Filipino seafarers.
Gayunman, nagpapatuloy aniya ang search and negotiation efforts sa mga hindi pa nakikitang tripulanteng Pinoy.
Kinumpirma rin ni Olalia na kasalukuyan nang naglalayag patungo sa hindi muna tinukoy na lugar ang limang Pinoy seafarers na na-rescue at inaabangan na sila ng Migrant Workers officers doon.
Inaayos na rin aniya ang repatriation ng limang na-rescue na Pinoy.









