Ibinahagi ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Senado na hanggang ngayon ay wala pa ring Overseas Filipino Workers (OFWs) ang naitatalang nadamay sa nangyaring 6.8 magnitude na lindol sa Morocco noong Biyernes.
Sa pagdinig ng Senado para sa panukalang budget ng DMW, nagduda si Senator Francis Tolentino kung bakit walang Pilipino ang naapektuhan ng malakas na lindol gayong napakarami aniyang Pinoy sa Morocco.
Paliwanag naman dito ni DMW OIC Usec. Hans Leo Cacdac, na batay sa ulat ng labor attaché ng bansa, karamihan ng ating mga kababayan sa Morocco ay nasa hilagang bahagi at ang naapektuhang rehiyon ay ang timog na bahagi ng nasabing bansa.
Aniya pa, mayroon mang 400 mga Pilipino sa southern part ng Morocco pero malayo ito sa Casa Blanca na pinakamalapit sa affected zone.
Samantala, tinalakay na sa mataas na kapulungan ang budget ng DMW para sa 2024 na nasa P15.309 billion na malayo sa orihinal na hinihinging pondo ng ahensya na aabot sa P29 billion.