Manila, Philippines – Hinihintay na lamang ngayon ng Armed Forces of the Philippines ang resulta sa DNA test na ginawa sa 22 bangkay na narekober sa main battle area sa Marawi City.
Ito ay upang matukoy ng militar kung may nakasamang lider ng MAute ISIS group sa 22 bangkay na ito.
Ayon kay Col. Emmanuel Garcia ng Joint Task Force Marawi, hanggat hindi natatapos ang DNA test at Management of the dead and missing na ginagawa ng PNP SOCO ay hindi nila makukumpirma kung may lider ng Maute ISIS ang kasama sa 22 narekober na bangkay.
Sa ngayon si ASG lider Isnilon Hapilon, Omar Maute at ang isang Malaysian Professor na umanib na sa grupong Maute ISIS na si Mahmud Ahmad ang sinasabing namumuno sa patuloy na sagupaan sa Marawi City.
Matatandaang nitong nakalipas na Miyerkules narekober ng militar sa dalawang gusali sa main battle area ang 22 bangkay.
Bukod pa sa mga bangkay nakarekober din ang militar ng matataas na kalibre ng armas at mga pampasabog.