DNA testing sa 2 ulong narekober sa Jolo bombing, inirekomenda

Hinimok ni Sulu caretaker at PBA Partylist Representative Jericho Nograles ang NBI at PNP na magsagawa ng DNA testing sa dalawang narekober na ulo mula sa blast site sa Jolo, twin bombing.

Ang suhestyon na ito ni Nograles ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Duterte na posibleng gawa ng suicide bombers ang pag-atake.

Hinala ni Nograles, posibleng dayuhan ang mga nasabing indibidwal at mapapatunayan lamang ito sa pamamagitan ng DNA testing.


Sakaling mapatunayan na dayuhan nga ang mga ito, kailangan na kumilos ang Bureau of Immigration, Coast Guard at Navy na tiyaking hindi makakapasok sa bansa ang mga nais maghasik ng gulo sa Mindanao sa pamamagitan ng back door.

Ayon pa kay Nograles, limang buwan na ang nakakalipas nang makatanggap sila ng impormasyon na mayroong banta sa simbahan ng Jolo dahilan kaya suportado ng mga taga-Sulu ang martial law sa Mindanao.

Facebook Comments