DND, AFP, at DFA, pinakikilos para alamin ang tunay na intensyon sa biglang pagpasok ng Russian attack submarine sa karagatan ng bansa

Pinakikilos ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno tungkol sa namataang Russian attack submarine sa West Philippine Sea (WPS) noong nakaraang linggo.

Ayon kay Estrada, nakakabahala ang sitwasyon dahil posibleng malagay sa alanganin ang katatagan at seguridad sa nasabing teritoryo na sentro ng mga geopolitical tensions.

Nangangamba ang senador na ang presensiya ng foreign military assets lalo na ang mga may kakayahang pang-opensiba ay nagpapataas sa panganib ng hindi pagkakaunawaan at kaguluhan sa sensitibong bahagi ng rehiyon.


Hinimok ni Estrada ang Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Foreign Affairs (DFA) na aksyunan at bigyang linaw agad ang intensyon sa biglang pagpasok ng Russian attack submarine sa karagatang sakop ng bansa.

Namataan ang Russian attack submarine nitong Huwebes sa kanlurang bahagi ng Occidental Mindoro na napagalamang galing Malaysia pero hindi na ito lumubog pa sa karagatan at sa halip ay nagtungo ito pahilaga palabas ng territorial waters ng bansa nitong weekend.

Facebook Comments