Manila, Philippines – Inamin ng Palasyo ng Malacañang na totoong may mga baril ng gobyerno ang nasa kamay ng mga teroristang Maute group na ginagamit laban sa tropa ng pamahalaan ngayon.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Mindanao hour sa Malacañang na may dahilan kaya nasa kamay ng mga kalaban ang baril ng pamahalaan.
Ayon kay Lorenzana nakuha ng mga terorista ang mga baril dahil sa mga ginagawang ambush sa mga sundalo, ibinibenta ng ilang tiwaling sundalo ang baril sa mga kalaban at ninanakaw sa mga government armory.
Inihayag ni Lorenzana na ang kaso ng mga baril ng gobyerno napupunta sa mga kalaban ay minimal lamang.
Nilinaw din naman ni Lorenzana na hindi na siya magbibigay ng eksaktong araw kung kailan matatapos ang krisis sa Marawi dahil makailang bese na ito nabanggit pero hindi naman natupad.
Tiniyak nalang ni Lorenzana na malapit ng matapos ang giyera sa Marawi dahil patuloy na lumiliit ang stronghold ng mga teroristang Maute group sa Marawi City.