Hinikayat ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ibigay lahat ng tulong na kailangan sa mga sundalong nasawi at sugatan dahil sa pagbagsak ng C-130 plane ng Philippine Air Force sa Patikul, Sulu.
Sa pamamagitan ng text message ay umapela mismo si Rodriguez kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na i-extend ang lahat ng tulong para sa pamilya ng mga sundalo na sakay ng aircraft.
Bukod sa mga pamilya ng mga sundalo ay nakiusap din ang kongresista sa DND at AFP na tulungan ang pamilya ng mga sibilyan na nadamay at crew na sakay rin ng bumagsak na C-130.
Humingi rin ng listahan ang mambabatas para sa mga biktima na mula sa Cagayan de Oro.
Nakahanda si Rodriguez na magbigay rin ng assistance sa mga kababayang apektado ng insidente.
Bumagsak ang C-130 military plane kahapon sa Patikul na galing sa Cagayan de Oro kung saan sakay rito ang nasa 96 na sundalo at crew.
Pumalo na sa 50 ang nasawi kung saan 47 dito ay mga militar habang 3 ay mga sibilyan.