DND, hinamon si CPP Leader Joma Sison na dalhin ang terror threats sa urban areas

Hinamon ng Department of National Defense (DND) si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison na dalhin ang banta ng New People’s Army (NPA) sa urban areas.

Ito ang pahayag ng kagawaran matapos sabihin ng CPP Central Committee na mayroong standing order mula kay Sison, na kasalukuyang self-exile sa Hague, The Netherlands na bumuo ng special partisan units (SPARU) na kayang kumasa ng kuluguhan sa kabihasnan laban sa puwersa ng gobyerno.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, masyadong madali para kay Sison na mag-utos lalo na at nasa ligtas at komportable siyang kubol sa Netherlands.


Hindi tulad ng Dekada ’80, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay mas handa at kayang tapatan ang terrorist liquidation squads.

Dagdag pa ni Lorenzana, ang buong sambayanan ay kakampi ng pwersa ng pamahalaan sa labang ito.

Para kay Lorenzana, ang special partisan operations ng NPA ay simpleng murder sa pamamagitan ng assassination at ‘euphemism’ para sa extrajudicial killings.

Gayumpaman, hinihikayat pa rin ni Lorenzana ang mga NPA na sumuko sa mga awtoridad.

Ang SPARU, ay dating kilala bilang NPA Sparrow Units, ang hit squad ng komunistang grupo, na responsable sa high-profile killings sa bansa noong 1980s.

Matatandaang itinalaga ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang CPP-NPA bilang terrorist organization, isang hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte para masawata ang communist rebellion sa bansa bago magtapos ang kanyang termino sa 2022.

Facebook Comments