Hinikayat ng Department of National Defense (DND) ang mga rebeldeng komunista na abandonahin na ang armadong pakikibaka.
Ang Communist Party of the Philippines (CPP) ay nakatakdang magdiwang ng kanilang ika-52 taong anibersaryo ngayong araw.
Ayon kay Lorenzana, hindi pa huli para talikuran ng mga rebeldeng komunista ang kanilang ideyolohiya dahil hindi sila magtatagumpay lalo na at hindi magpapahulog ang mga Pilipino sa kanilang mga propaganda.
Nanawagan ang kalihim sa mga ito na makipagtulungan sa pamahalan kung ang ipinaglalaban nila ay kapakanan ng bawat Pilipino.
Para kay Lorenzana, sa 50 taon ng Communist Party of the Philippines (CPP) ay hindi naman nila naabot ang layunin nitong palitan ang isang democratic government bilang isang communist government.
“Total failure” rin ang New People’s Army (NPA) na walang ginawa kundi pabagsakin ang gobyerno at nagdudulot lamang gulo at pinsala kabilang ang pagpaslang sa mga sibilyan at tropa ng pamahalaan, pag-recruit sa mga bata na lumaban para sa kanila at malawakang pagningikil sa mga negosyo sa bansa.
Wala silang dahilan para magdiwang, at dapat ikahiya ng mga rebeldeng komunista ang mga ginagawa nila sa sambayanang Pilipino.
Hinihikayat din ni Lorenzana ang mga Pilipino na patuloy na kondenahin ang komunistang grupo at mga aktibidad nito.
Magugunitang hindi magdedeklara ang pamahalaan ng holiday ceasefire sa mga rebeldeng komunista ngayong taon.