Walang sinumang bansa, maging ang Pilipinas ang may solidong kontrol sa South China Sea.
Ito ang iginiit ni Department of National Defense (DND) Public Affairs Chief Arsenio Andolong sa gitna na rin ng isyu ng agawan ng teritoryo at ulat na daan-daang Chinese fishing vessels ang naispatan malapit sa Pag-asa Island.
Ayon kay Andolong, bagamat may advantage ang China sa lugar dahil sa mga itinayo nitong istraktura sa mga artificial islands, maliit na bahagi lamang ito ng karagatan.
Ang Pilipinas ay may dalawang dokumento na nagpapatibay na may sovereign rights ito sa South China Sea lalo na sa 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) o yung West Philippines Sea (WPS).
Ang tinutukoy na dokumento ay ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kung saan ibinase ng Pilipinas ang claim nito sa EEZ at ang ruling ng permanent court of arbitration noong 2016 na nagpapawalang bisa sa historical rights ng China.