Ipinauubaya ni Defense Secretary Gibo Teodoro sa Kongreso ang desisyon patungkol sa panukalang ireporma ang military and other uniformed personnel (MUP) pension.
Nauna dito ay tinututulan ni Teodoro, ang panukala ng Kongreso na pati ang mga nasa aktibong serbisyo ay hihingan ng kontribusyon para sa pensyon.
Giit ni Teodoro, ang posisyon ng Department of National Defense (DND) ay mga ‘new entrants’ lang ang hihingian ng kontribusyon para sa MUP pension at gagawa sila ng pondo para magkaroon ng sariling pensyon.
Aminado naman si Teodoro na sadyang magastos talaga ang iminumungkahing reporma sa pensyon at ngayon lang na may presidente na gustong solusyunan ito.
Giit ng DND Secretary, hinahanapan din nila ito ng solusyon pero hindi naman ‘overnight’ ay mareresolba ang problema.
Dagdag ni Teodoro, pinag-aaralan nila na bumuo ng sariling pensyon kung saan ang malilikom mula sa mga lupain ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at kita ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ay ilaan na lamang sa MUP pension at huwag na lang sa modernisasyon dahil hindi rin naman kalakihan ito.
Hiniling din ng secretary, na isama sa batas na ma-dissolve o buwagin ang Retirement and Separation Benefits System (RSBS) assets at ilipat ito sa bubuuhing retirement fund.