Hindi pinansin ng Department of National Defense (DND) ang pagkabahala ng Chinese government hinggil sa mga pagbisita ng ilang defense at security officials ng Estados Unidos sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Southeast Asia.
Matatandaang inihayag ng Chinese Embassy sa Pilipinas na nagsasagawa ng ‘inciting confrontation’ ang Estados Unidos sa Asya sa pamamagitan ng mga pagbisita.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, opinyon lamang ito ng China pero ang mahalaga rito ay ang pagpapanatili ng maayos na relasyon ng ibang bansa sa Pilipinas.
Aniya, matagal nang ginagawa ng US defense officials ang pagbisita nito sa bansa dahil sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng US at Pilipinas.
Dagdag pa ni Lorenzana, nananatiling suportado ng US government ang Pilipinas lalo na at patuloy silang nagbibigay ng mahahalagang equipment para sa external defense.
Sa pagbisita ni US National Security Adviser Robert O’Brien, nananatili ang kanilang pagsuporta sa Taiwan, Vietnam at Pilipinas.