May imbestigasyon na ring ginagawa ang Department of National Defense (DND) upang makumpirma kung totoong isang Moroccan National ang nagpasabog ng bomba sa Lamitan, Basilan noong Hulyo 31.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, sinabi niyang may mag-asawang nakakita sa driver ng sumabog na van nang masiraan ito malapit sa checkpoint sa Lamitan.
Sa pagkakalarawan ng mag-asawa maputi, matangkad, kulot ang buhok, at hindi nakapagsasalita ng kanilang dialect ang driver kaya nag-sign language ito para magpatulong na itulak ang van.
Nang lumiwanag na, doon natanaw ang mga bomba sa van.
Habang papalapit ang sasakyan ng mga ranger ay saka pinasabog ang mga bomba.
Hindi aniya orihinal na plano ng bomber na pasabugin ang bomba roon, ngunit dahil na-korner na ito ay kaya nag-desisyong mag-suicide na lamang.
Batay pa sa intelligence report ng DND, may isang foreign national sa Jolo na nanghihikayat ng lokal na Abu Sayyaf para maging suicide bomber upang ipaghiganti ang namatay na anak, ngunit walang Pilipinong nais sumama sa kaniya.
Dagdag pa ng kalihim, nasa walumpung porsyento ang posibilidad na siya rin ang Basilan bomber lalo at may hawak silang mga larawan nito.