DND, nagpaabot ng pakikiisa sa paggunita ng Araw ng mga Bayani

Nakikiisa ang Department of National Defense (DND) sa sambayanang Pilipino sa paggunita ng National Heroes’ Day na itinuturing na paalala ng sakripisyo at kagitingan ng mga nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa.

Sa kanyang mensahe, nagbalik-tanaw si Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. sa kagitingan ng mga bayani na nagbuwis ng buhay upang makamtan ng bansa ang kalayaan at kasarinlan.

Ayon kay Teodoro, nagbabago man ang panahon, nananatili ang mithiin ng bansa, ang mapanatili ang isang malaya, maunlad at nagkakaisang Pilipinas.

Aniya, hindi lamang ang mga nakipaglaban noon ang dapat kilalanin, kundi maging ang mga tinaguriang makabagong bayani gaya ng mga OFWs, healthcare workers, guro, atleta at mangingisda.

Sa huli, muling ipinaalala ng DND na ang diwa ng kabayanihan ay dapat manatiling buhay sa puso ng bawat mamamayan, isang paninindigang kailanma’y hindi pasisiil sa sinumang nagnanais umapi sa bayan.

Facebook Comments