DND, nagpahayag ng matinding pagkabahala sa mga aksyon ng militar at coast guard ng China sa paligid ng Taiwan

Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Department of National Defense (DND) sa ginawang aksyon ng Militar at Coast Guard ng China sa paligid ng Taiwan.

Matatandaang nagsagawa ang China ng dalawang araw na malawakang military drills kung saan idineploy nito ang mga dose-dosenang rocket, warship at aircraft malapit sa isla, bilang pagpapakita ng lakas, na nagdulot naman ng pagkabahala sa mga Western allies ng Taiwan.

Ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, ang ganitong aksyon ay nagdudulot ng tensyon sa lugar at hindi lamang sa nasabing dalawang bansa ang magiging epekto nito kundi pati na rin sa komunidad ng Indo-Pacific.

Binigyang diin din nya na ang kahalagahan ng pagpapatupad ng international law at regional norms , kabilang dito ang prinsipyo ng mapayapang pagresolba sa mga hindi pagkakaintindihan.

Tiniyak naman ng kalihim na suportado ng bansa ang malaya, bukas, matatag at rules-based na Indo-Pacific kung saan ang pagkakaiba ay nareresolba sa pamamagitan ng mapayapang paraan .

Facebook Comments