DND, nakahanda sa posibleng pagpapalikas sa mga Pilipino na apektado sa sitwasyon sa Ukraine at North Korea

Nakikipag-ugnayan ang Department of National Defense (DND) sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa posibleng repatriation ng mga Pilipino sa ibang bansa na apektado ng sitwasyon sa Ukraine at North Korea.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana mahigpit na mino-monitor ng DND ang mga pangyayari sa Ukraine at maging ang missile test na ginawa ng North Korea.

Aniya, ang “direct” at “indirect” na epekto ng mga kaganapan ito sa seguridad at ekonomiya ng bansa, ay pinag-aaralan ng DND.


Siniguro ng kalihim na nakahanda ang DND na tumulong sa pagpapauwi sa bansa ng mga apektadong Pilipino sa ibayong dagat kung kakailanganin.

Aniya pa, nakikiisa ang Pilipinas sa panawagan ng international community para sa pananaig ng kapayapaan at kahinahunan, sa gitna ng mga kasalukuyang kaganapan, at umaasa na mareresolba ang gulo sa mabilis at maayos na paraan.

Facebook Comments