Pinagsusumite ng mga senador ng written explanation ang Department of National Defense (DND).
Ito ay nakaraang lumabas sa budget deliberations ng Senado na mayroong bilyon-bilyong piso na inilagak ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) at sa Philippine International Trading Corporation (PITC).
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, batay sa report ng Commission on Audit (COA) ay mayroong unliquidated balance na P5.2 billion ang DND na nakatengga sa PS-DBM habang P4.6 billion naman ang nasa PITC.
Hinala ni Drilon, bahagi ng AFP modernization fund ang inilalagak sa PS-DBM gayong wala naman expertise ang mga ito na bumili ng mga pangangailangan ng militar dahil base sa mandato ng PS-DBM ay common-use supplies lamang ang maaari nitong bilhin.
Binanggit naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na ang Philippine Army ay mayroong P8.5 billion unliquidated balances sa PITC.
Sabi ni Lacson, bahagi ito ng P16 billion na kabuuang fund transfer ng Philippine Army sa PITC.
Sa pamamagitan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na siyang nagdedepensa sa mahigit P297.1 billion na proposed 2022 budget ng DND ay nangako ang ahensya na magsusumite ng written at detalyadong paliwanag.
Nilinaw rin ng DND na hindi AFP modernization fund ang inilipat nito sa PS-DBM.