Naging kuntento si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pakikipagtulungan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF upang maging mapayapa ang unang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law o BOL.
Ayon sa kalihim dalawang insidente ang kanyang na-monitor na tila naghakot ng mga taga suporta ang MILF para hikayatin ang mga residente na sakop ng ARMM at iba pang karatig lugar na bumoto pabor sa BOL.
Kaya dalawang beses rin aniya siyang tumawag kay MILF BIAF o Bangsamoro Islamic Armed Forces Chief of Staff Sammy Al Mansour para pigilan ang mga hakbang ng MILF.
Nangyari umano ang unang paghahakot ng MILF noong January 20 kyung saan, daan-daang tropa nito ang dinala nila sa Cotabato City sakay ng napakaraming bus.
Sinabi ni Lorenzana kay Mansour na pabalikin lahat ng mga ito sa kanilang pinanggalingan, bagay na sinunod naman ni Mansour.
Ang ikalawa ay nang nakitang paikot-ikot sa mga polling centers ang mga tropa ng MILF na siyang nakapagdudulot ng takot sa mga botante.
Aniya ayon kay Mansour tumutulong lamang ang mga ito sa mga pulis at militar sa lugar para magbantay.
Pero pinaalis rin sila ng militar na tahimik namang umalis sa mga polling centers.