Dumipensa si Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana sa naging desisyon nito na ibasura ang tatlong dekada nang UP-DND accord.
Ayon kay Lorenzana, ang kanyang naging hakbang ay hindi pag-atake sa University of the Philippines.
Bagamat aminadong hindi kinonsulta ang pamunuan ng UP sa nasabing desisyon dahil masyado na umanong pinapaboran ang unibersidad.
Nalilimitahan na aniya ang pagtupad ng tungkulin ng mga sundalo at pulis dahil hindi sila basta-basta nakakapasok sa loob ng mga campuses nito para magsagawa ng operasyon.
Giit ng kalihim, nagiging breeding ground na ang UP ng mga rebelde o komunista.
Sinabi ni Lorenzana na bukas siya sa pakikipagdayalogo sa UP pero dapat din nilang ipaliwanag ang pagsama ng ilang estudyante sa mga rebeldeng grupo kung saan ang ilan sa kanila ay napapatay sa engkwentro.
Samantala, inalok naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang kanyang opisina para mamagitan sa UP at DND upang maresolba ang isyu.
Batay sa 1989 UP-DND accord, pinagbabawalan ang pagpasok ng state forces sa mga campuses ng UP nang walang pahintulot ng mga opisyal ng unibersidad.