DND Sec. Delfin Lorenzana, pinuri ang liderato ng PNP sa pagsibak sa siyam na pulis na sangkot sa Jolo, Sulu shooting incident noong Hunyo

Pinuri ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana ang naging desisyon ng Philippine National Police (PNP) na sibakin sa serbisyo ang siyam na pulis na sangkot sa Jolo, Sulu shooting incident noong June 2020.

Ayon kay Lorenzana, isang magandang hakbang ang ginawa ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na aprubahan ang dismissal ng siyam na police officers na nakapatay sa apat na sundalo ng Philippine Army.

Gayunman, sinabi ng kalihim na nakiki-simpatiya sya sa mga pamilya ng siyam na tinanggal na pulis.


Ayon kay Lorenzana, ang mga pamilya ng mga pulis na ito ay biktima rin ng insidente gaya ng mga pamilya ng mga sundalo na napatay.

Kasabay nito, umaasa ang Defense Chief na may natutunan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP sa insidente at gagawa ng mga hakbang para maiwasang mangyari muli ito sa hinaharap.

June 29, 2020 nang papunta sana ang apat na sundalo sa isang opisyal na misyon nang pagbabarilin sila ng mga pulis sa Jolo.

Nagsampa na ng kasong grave misconduct ang PNP laban sa siyam na pulis.

Isinampa na rin ng National Bureau of Investigation ang kasong murder at pagtatanim ng ebidensya laban sa mga pulis na sangkot sa insidente.

Facebook Comments