Sinusuportahan ng Department of National Defense (DND) ang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa termination ng Visiting Forces Agreement o VFA sa pagitan ng Pilipinas at Estado Unidos.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, matibay na ang pinagsamahan ng Pilipinas at Amerika dahil na rin sa 1951 Mutual Defense Treaty.
Kaya aniya ang pag-recall sa VFA ay makakatulong para mas ma-promote ang military cooperation sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Naniniwala rin si Lorenzana na sa kabila ng mga security challenges na kinakaharap ng bansa, malaki ang maitutulong ng bilateral relations sa Estados Unidos para mas mapaangat ang kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Giit pa nito, ang mahabang panahong pagkakaibigan ng bansa at ng Estados Unidos ay nabuo dahil sa matatag na pagkakaisa at pagpapanatili ng international peace.