Sinita ni Senator Alan Peter Cayetano ang mga dobleng alokasyon at lump sum sa ilang mga proyekto sa ilalim ng budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa susunod na taon.
Sa deliberasyon sa plenaryo, ipinunto ni Cayetano ang dobleng budget para sa magkakatulad na proyekto na ipapagawa ng DPWH na aabot sa kabuuang ₱1.06 billion.
Ilan sa mga proyektong napuna ng senador na nadoble ang alokasyon para sa proyekto ay ang diversion road sa Davao City, flood control projects sa Tacloban City at multi-purpose buildings sa Sta. Maria, Davao Occidental.
Tinukoy pa ni Cayetano ang ilang double appropriations para sa mistulang iisang kalsada, flood control projects, at multi-purpose buildings sa Quezon Province, Las Pinas, Marikina, Abra, Iloilo at Albay.
Bukod dito, nakita rin ni Cayetano ang ₱28.162 billion na lump sum sa DPWH budget na aniya’y sobrang laki ang inilundag sa halaga kumpara sa ₱2.5 billion na lump sum sa panukalang budget na inilatag ng Malacañang sa ilalim ng National Expenditure Program o NEP.
Sinabi naman ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na bibigyan nila ng pagkakataon ang DPWH na magpaliwanag at himayin ang natuklasang napakalaking halaga ng lump sum at kung hindi ito magawa ay nagbanta ang Senado na tatapyasin o ililipat ang pondo sa ibang programa at proyekto.